Muling nagpulong sina North Korean leader Kim Jong Un at South Korean President Moon Jae-in kahapon sa Panmunjom village.
Ito ay upang pag-usapan ang narating na peace commitments sa kanilang pulong noong April at ang nakatakda namang pulong ni Kim kay U.S President Donald Trump sa Singapore sa June 12.
Ayon kay South Korean Presidential Spokesman Yoon Young-chan, iaanunsyo ni Moon ang naging resulta ng pag-uusap nila ni Kim, ngayong araw ng Linggo.
Wala nang iba pang detalye na ibinigay ang tanggapan ng pangulo.
Ang pulong sa pagitan ng dalawang Korean leaders ay naganap ilang sandali matapos ipahayag ng South Korea ang kapanatagan ng loob sa pagbabalik ng negosasyon para sa nakatakdang pulong ni Trump at Kim.
Matatandaang inanunsyo ni Trump na kinakansela na niya ito matapos ang mga maaanghang umanong pahayag ng NoKor laban sa US.
Gayunman, nagbigay ng senyales si Trump na posible na ulit itong maganap at mangyayari batay sa orihinal na plano.
Ang pulong sa pagitan ng mga lider ay nagaganap para sa pagtamo ng kapayapaan sa Korean Peninsula at denuclearization ng rehiyon.