Duterte gustong makausap ni Joma Sison sa Vietnam

Handa si National Democratic Front of the Philippines (NDFP) chief consultant Jose Maria Sison na makipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte pero hindi sa Pilipinas.

Ayon kay Sison, kinukunsidera nila na sa Oslo, Norway o sa Hanoi, Vietnam niya makaharap ang Pangulo para sa pirmahan ng interim peace agreement.

Ipinahayag ni Sison na iminungkahi ng NDFP na isagawa ang pirmahan sa Vietnam bilang kunsiderasyon sa abalang schedule ni Duterte.

Ayon sa lider ng komunistang grupo, una nang napagkasunduan ng peace negotiating panels ng gobyerno at NDFP sa back channel talks na sa Oslo isagawa ang pirmahan ng Interim peace agreement.

Gayunman, ayon kay Sison, umatras ang gobyerno at nag-alok na si Executive Secretary Salvador Medialdea ang dadalo.

Tinanggihan din daw ng gobyerno ang mungkahing sa Hanoi ito gawin.

Sinabi ni Sison na masyado pang maaga para bumalik siya sa Pilipinas.

Aniya, magiging labag ito sa mutual agreement na isagawa ang peace negotiations sa isang “foreign neutral venue.”

Dagdag ni Sison, malalagay sa langanin ang sitwasyon ng usapang pangkapayapaan kapag ginawa ito sa Pilipinas.

Read more...