Sa isang pulong balitaan sa White House, iginiit ni Trump na titingnan ang maaaring gawin tungkol sa sitwasyon at mayroon umanong nagaganap na pag-uusap ngayon ang dalawang panig.
Ani Trump, gustong-gusto ng North Korea na ituloy ang pulong.
Matatandaang noong Huwebes, kinansela ni Trump ang pulong kay North Korean leader Kim Jong Un dahil umano sa mga pahayag na binitawan ng NoKor laban sa US.
Samantala, nanghihinayang naman si South Korean President Moon Jae-in na hindi na matutuloy ang makasaysayan sanang summit sa Singapore.
Batay sa ilang mga ulat, hindi alam ni Moon ang desisyon ni Trump bago pa ito ianunsyo gayong ang South Korea ang unang nagpaalam sa US nang kahandaan ng NoKor na disarmahan ang kanilang nuclear weapons.
Samantala, nanawagan naman si United Nations Secretary General Antonio Guterres sa US at NoKor na huwag sukuan ang isa’t isa at kailangan lamang manatiling kalmado sa sitwasyon.