Bago matapos ang buwan ay darating na ang inangkat na bigas mula sa Thailand at Vietnam.
Sinabi ni National Food Authority (NFA) Administrator Jason Aquino na kasunod na nito ang pagbabalik sa mga tindahan ng kanilang P27 at P32 kada kilo ng bigas.
Ibinilin ni Aquino sa kanyang regional directors na kapag dumating na ang bahagi nila ng imported na bigas ay agad nila itong ipamahagi sa mga tindahan.
Aniya inaasahan na malaking tulong na rin ito sa mga mahihirap natin kababayan na pikit matang bumibili ng mas mahal na commercial rice para lang hindi magutom ang kanilang pamilya.
Banggit pa ni Aquino, bigas ang pangunahing pagkain ng 85 porsiyento ng populasyon sa bansa at ang budget ng isang mahirap na pamilya para sa pagkain ay 60 porsiyento ng kanilang pera at 20 porsiyento nito ay ipinambibili ng bigas.
Inatasan din nito ang kanyang mga field officials na patuloy na magsagawa ng monitoring para matiyak na nakakarating sa masa ang murang bigas para sa kanila.
Una nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ang stock ng bigas ng NFA ay aabot ng 60 araw o dalawang buwan.