Ilang mga supporters ni Senador Grace Poe ang tumanggap umano ng singkwenta pesos at pagkain matapos ang paghahain ng certificate of candidacy ng senadora sa Comelec main office sa Intramuros, Maynila kahapon.
Sa video na nakunan ng Inqurier, makikita ang tila pagbibigay ng tig-sisingkwenta pesos sa grupo ng mga lalake at babae na nagkukumpul-kumpol sa isang lugar sa Cabildo St., sa Intramuros at ang kasunod na pagbibigay din ng pagkain sa mga ito.
Maririnig din sa usapan ng grupo ang pagbanggit ng mga ito na galing kay Grace Poe ang naturang ‘pakimkim’ at pagkain sabay pagtawag sa sa ilang pangalan ng mga umano’y dumalo sa filing ng COC ni Poe at Sen. Chiz Escudero.
Ayon sa ilang mga nabigyan ng ‘allowance’ karamihan sa kanila na nabigyan ng pagkain at singkwenta pesos ay residente ng Barangay 658 na malapit lamang sa Intramuros.
Sa panayam ng Inquirer sa isa sa mga nabigyan ng ‘pakimkim’, malimit silang iniimbitahan ng mga purok leader upang dumalo sa mga rally upang ipakita ang suporta sa kung sino man ang nag-imbita.
Samantala, mariin namang itinanggi ng panig ni Senador Poe na nag-arkila sila ng mga taga-suporta para magpunta sa filing nito ng COC sa Comelec.
Giit ni Valenzuela Mayor at tagapagsalita ni Senador Poe na si Rex Gatchalian, hindi nila binayaran ang mga tao na nagpunta sa Comelec upang magpakita ng suporta sa senadora.
Kusang loob aniyang nagpunta ang mga ito dahil naniniwala ang mga ito sa mga adhikain ng babaeng mambabatas.