200 bahay, nasunog sa isang residential area sa North Avenue, QC

Dalawang daang bahay ang natupok sa malaking sunog sa Sitio Palanas, Barangay Vasra, North Avenue, sa Quezon City.

Nasa tatlong daang pamilya ang apektado, habang lima ang sugatan sa sunog, kabilang na ang isang fire volunteer.

Ayon kay Senior Supt. Manuel Manuel ng District Fire Marshall, nagsimula ang sunog pasado alas-singko ng hapon ng Miyerkules, na mabilis na kumalat dahil pawang barong-barong o gawa sa light materials ang mga bahay sa lugar.

Nabalot ng malaking apoy at makapal at maitim na usok ang lugar.

Itinaas sa ika-limang alarma ang sunog, kaya naman puspusan ang mga bumbero sa pag-apula sa sunog.

Kanya-kanyang salba naman sa mga gamit ang mga residente, na ang karamihan ay panay ang iyak at hindi makapaniwala sa sinapit ng kanilang mga tahanan.

Naalerto rin ang mga empleyado ng Department of Agriculture at Sugar Regulatory Administration dahil kalapit lamang ng kanilang tanggapan ang nasusunog na residential area.

Pero sa kasagsagan ng sunog, isang lalake ang bugbog sarado at arestado dahil sa umano’y pagnanakaw nito.

Bago mag-alas siyete ng gabi, idineklara nang fire under control ang sunog.

Ayon kay Ares Gutierrez, PIO ng Quezon City Hall, patuloy ang imbestigasyon sa insidente ng sunog, habang tutulong din ang lokal na pamahalaan sa mga nasunugan.

Itinanggi naman ni Gutierrez ang inaako ng ibang residente na sinadya ang sunog, dahil tapos na ang barangay elections.

Sa kasalukuyan ay pansamantalang nanunuluyan ang mga nasunugan Ninoy Aquino Parks and Wildlife.

Read more...