Inihahanda na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang paglilipat sa sampung akusado sa paglabag sa anti-hazing law na may kinalaman sa pagkamatay ni UST law student Horacio “Atio” Castillo III.
Ayon kay NBI Deputy Director and Spokesman Ferdinand Lavin, isinasagawa na nila ang proseso ng paglilipat ngayon sa Manila City Jail (MCJ) kina Mhin Wei Chan, Jose Miguel Salamat, John Robin Ramos, Marcelino Bagtang Jr, Arvin Balag, Ralph Trangia, Axel Munro Hipe, Oliver Onofre, Joshua Macabali at Hans Matthew Rodrigo.
Sinabi ni Lavin na ito ay tugon ng ahensya sa pinalabas na kautusan ni Judge Marivic Balisi-Umali ng Manila Regional Trial Court Branch 20 na nagtatakda ng 48-oras sa NBI upang alisin sa kanilang pangangalaga ang 10 anti-hazing suspects.
Matatandaang hiniling ng mga akusado na manatili sa kostudiya ng NBI dahil sa pangamba sa kanilang seguridad ngunit ibinasura lamang ng hukuman.
Sa halip ay binigyang merito ng hukom ang panig ng taga-usig na ang isang akusado ay dapat na makulong sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ang ahensya na may tungkulin o kapangyarihan na magbigay seguridad sa mga taong nahaharap sa paglilitis.
Nanindigan din ang prosekusyon na hindi nakasaad sa NBI Modernization Law na mandato ng ahensya na magbantay ng mga inmate lalo na at hindi rin maituturing na detention facility ang NBI detention center na nagsisilbi lamang na temporary lock up cell.