Sabay na dumating sa tanggapanng Comelec sa Intramuros sa Maynila sina Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero. Sa kanilang pagsusumite ng kani-kanilang Certificate of Candidacy, sinabi ni Poe na nakahanda siyang gampanan ang isang tungkulin na maiha-halintulad sa isang Ina.
“BIlang isang Nanay ay marami akong pangarap para sa aking mga anak. Ganun din naman ang aking kagustuhan para sa buong bansa”, ayon kay Poe.
Aminado rin ang anak ni Fernando Poe Jr. na isang maituturing na milestone ang umabot sa yugto ng pagsusumite ng COC bilang paunang paraan para sa hangaring pamunuan niya ang bansa sa 2016.
Kasamang dumating ni Poe sa Comelec office ang kanyang Ina na si Susan Roces.
Sa kanya namang pahayag, sinabi ni Sen. Chiz Escudero na kailangan n gating bansa ang mga pinuno na marunong makaramdam ng kalagayan ng mga bawat Pinoy.
Ayon kay Escudero, “Layunin po namin na magtayo ng isang pamahalaan na may puso at pakiramdam at nakakaramdam—isang pamahalaan na nasasaktan kapag may Pilipinong tinatamaan ng kalamidad; isang gobyernong nagbubunyi kapag may nagtatagumpay, at isang gobyernong nagagalit kapag may Pilipinong inaapi o namamatay”.
Kasamang dumating ni Escudero sa Comelec ang kanyang may-bahay na si Heart Evangelista.
Bukas ay inaasahan naman na magsusumite na ng kani-kanilang mga Certificates of Candidacy ang buong senatorial slate ng tambalang Poe-Escudero.