Magbibigay ang bansang Jordan ng dalawang Cobra attack helicopters sa Pilipinas sa kabila ng maaanghang na salitang binitawan ni Pangulong Rodrigo Duterte laban isang miyembro ng royal family ng naturang bansa.
Ito ay inanunsyo mismo ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa selebrasyon ng ika-120 anibersaryo ng Philippine Navy.
Ayon sa pangulo, ang naturang mga helicopters ay hindi kayang mabili ng Pilipinas sa kanyang termino.
Inamin pa ni Duterte na pinayuhan siya ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na huwag nang murahin si Jordan Prince at United Nations human rights chief Zeid Ra’ad Al-Hussein upang matuloy ang pagbibigay ng naturang attack helicopters.
Ayon sa pangulo, nasa Jordan na si Esperon upang tanggapin ang naturang military aid.
Matatandaang kwinestyon ni Zeid ang mental health ni Duterte at sinabing dapat magpasailalim na ito sa psychiatric evaluation matapos ang maaanghang na pahayag ng pangulo laban sa mga opisyal ng UN na kumekwestyon sa war on drugs ng kanyang administrasyon.
Gayunman, tinawag pa rin ni Duterte na walang laman ang utak ni Zeid sa kabila ng payo ni Esperon na huwag ng magkomento tungkol sa opisyal.