Umapela ang Archdiocese of Tuguegarao sa publiko na iwasan ang mga paggawa ng ispekulasyon tungkol sa malagim na pagkakapatay kay Fr. Mark Anthony Ventura.
Ang pahayag ay inilabas matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na may mga karelasyon ang napaslang na pari na dahilan ng pagkamatay nito.
Sa isang pahayag, sinabi ni Tuguegarao Archbishop Sergio Utleg na huwag sanang pangunahan ang imbestigasyon tungkol sa kaso ng mga walang basehang tsismis at malisyosong alegasyon.
Ayon pa sa arsobispo, iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagpatay kay Ventura sa lahat ng anggulo at naniniwala anya ang arkidiyosesis na ginagawa nito ang lahat upang gawin ang kanilang trabaho.
Iginiit ni Utleg na isang paring tunay na may dedikasyon si Ventura at mahal ng lahat ng nakakakilala sa kanya.
Sa huli, umaasa anya siya na mabubunyag din ang katotohanan sa huli at maibibigay ang katarungan para sa napaslang na pari.