Dating mga opisyal ng SAF hindi naipaliwanag ang pagkakatago sa P37M allowance

Sa halip na maliwanagan, lalo pang nalabuan si Senador Ping Lacson sa isyu ng pagkaka-delay ng release ng Additional Subsistence Allowance (ASA) o mas kilala sa tawag na Kabuhayan sa Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF) troopers.

Kinuwestiyon ni Lacson si dating SAF Finance Officer Senior Superintendent Andre Dizon ukol sa biglang pagsulpot ng P37 milyon sa hinahanap na higit P58 milyong ASA mula noong 2016.

Katuwiran ni Dizon, wala pa ang papalit sa kanya nang tanggalin siya sa SAF kayat minabuti niyang itago muna ang P37 million.

Inamin din ni Dizon na sarili niyang diskarte ang ginawang pagtago sa pera.

Paniwala ni Lacson sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Public Order na nag-iimbestiga sa iskandalo kung hindi pa kinasuhan sa Ombudsman sina Dizon at dating SAF Director Benjamin Lusad ay hindi maipapapalabas ang allowance.

Ikinatuwiran ni Dizon na ginamit nila ang ASA para sa pagkain ng mga SAF troopers na nagbabantay sa Bilibid na labis ikinabigla ni Lacson.

Ayon kay Lacson parang napaboran ang mga SAF troopers sa Bilibid kaysa sa mga kasama nila na nasa ibang lugar.

Sinabi naman ni dating SAF Director Moro Lazo na isa sa mga nagreklamo sa Ombudsman, na dalawang beses silang nakipagpulong kina Lusad at Dizon ngunit hindi sila nabigyan ng malinaw na paliwanag ukol sa pondo kayat minabuti na nilang maghain ng pormal na reklamo.

Pinuna naman ni Senador Gringo Honasan ang epekto ng iskandalo dahil nalalagay sa kahihiyan ang PNP dahil sa allowance na kadalasan ay para sa pagkain ng mga tauhan ng SAF.

Ayon naman kay dating PNP Chief Ronald Dela Rosa, mali na itinago ni Dizon ang pera.

Sa pagdinig ay nabanggit ni Lacson na parang hindi maasahan na magsasabi ng totoo si Dizon kayat umaasa ang senador na sa susunod na pagdinig ay magiging malinaw na ang mga sagot ng opisyal.

Read more...