Halos P12M shabu nasabat ng Customs sa NAIA

Nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) ang dalawang package na naglalaman ng P11.87 milyon na shabu sa magkahiwalay na pagkakataon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapeña, higit dalawang kilo ng hinihinalang shabu ang naharang noong April 27. Ipinadala ng isang Stephanie Morse ang package para sa isang Joey Cuenca, residente ng Imus, Cavite.

Noong April 23, naharang naman ang isang package ng isang Audio Schit para kay Susano Trinidad, residente ng Quezon City. Naglalaman ito ng 344.50 gramo ng shabu.

Parehong nagmula sa California, USA ang mga kargamento na idineklarang medical cabinet at unan ang nilalaman.

Nadiskubreng peke ang consignees at ang delivery address ng mga ito.

Muli namang iginiit ng BOC na pinalakas nito ang mga operasyon kontra droga. Aabot sa walong package na naglalaman ng iligal na droga ang kanilang nasamsam noong Marso at Abril.

Read more...