Nagkaroon ng tensyon sa bahagi ng Legaspi Street malapit sa kanto ng Real Street sa Intramuros, Maynila.
Ito ay dahil sa nakaambang demolisyon sa bahay ng mga informal settler na naninirahan No. 463 Legaspi St.
Ang paggiba sa mga bahay ay sa bisa ng writ of demolition na inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 7 noon pang December 15, 2017 na tinatangkang maisakatuparan ngayong araw.
Salig ang writ of demolition sa desisyon ng Manila RTC noon pang September 16, 2010 na nagdedeklarang pag-aari ng LG Mathieson Development ang loteng kinatitirikan ng may 100 hanggang 300 bahay ng mga informal settler.
Nakasaad pa sa desisyon ng korte, kinakailangan ding magbayad din ang bawat residente na partido sa kaso ng tig-limang libong piso kada buwan magmula July 2008 bilang reasonable compensation dahil sa pag-okupa nila sa property nitong LG Mathieson Devt.
Ilan pa nga sa mga bahay ay umabot na ng ikaapat hanggang ika-limang palapag.
Martes pa lang ng umaga naghanda na ang mga residente sa pagdating ng demolition team.
Iniharang nila ang may pitong pedicab sa kanto ng Legaspi St at itinagilid ang isang basketball ring sa gitna ng kalsada bilang pandagdag harang.
Naghanda rin ang mga lalaking residente ng mga bote at tubo na gagamitin nila sakaling tuluyang umusad ang pwersa ng demolition team.
Bahagya lang humupa ang tensyon nang bigyan ng sheriff ng karagdagang oras ang mga residente na nais maghakot at kusang lumisan sa kanilang mga bahay.