Pinasusuri na ng Malakanyang ang reklamo ng mga residente sa Rodriguez, Rizal na dating Montalban hinggil sa umano ay illegal quarrying sa bayan.
Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na imbestigahan ang reklamo ng mga residente sa Rodriguez, Rizal ukol sa sinisirang bundok para sa quarrying.
Ayon kay Special Assistant to the President Bong Go, nakaabot na sa kaalaman ng pangulo ang kilos protesta ng mga residente kasama ang mga pari sa Rodriguez, Rizal.
Partikular na pinasisilip ng pangulo ang permit ng mga quarrying lalo at sinabi ng mga residente na ilegal ang karamihan sa aktibidad ng pag-quarry sa bayan.
Maliban sa Rodriguez, tuloy din ang quarrying activities sa bayan ng San Mateo sa Riza kung saan ang mga bundok ay tinatapyas para makakuha ng materyales na blue sand.