Posibleng ngayong araw na maganap ang pagpapalit ng liderato sa Senado kung saan papalitan na ni Senate Majority Leader Tito Sotto si Sen. Koko Pimentel bilang Senate President.
Sa isang panayam, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na magkakaroon ng caucus ang senate majority ngayong araw upang talakayin ang isyu.
Maaari anyang ngayong Lunes na o hindi kaya naman ay sa mga susunod na linggo pa ang take over sa senate presidency yamang hindi nagkasundo si Sotto at Pimentel sa eksaktong petsa para sa pagpapalit ng liderato.
Gayunman ayon kay Lacson, ang sigurado ay may resolusyon na pinirmahan ng 15 senador na nagnanais palitan ang liderato sa Mataas na Kapulungan.
Mula sa labing-apat ay kinumpirma ni Lacson na nakapirma na rin si Sen. Grace Poe sa resolusyon matapos itong dumating mula abroad.
Ayon kay Lacson, itatanong kay Pimentel kung ano ang kanyang palagay sa pagpalit ni Sotto sa kanyang pwesto.
Sakaling hilingin umano nitong palawigin ang kanyang pagiging Senate President ay pakikinggan ang kanyang mga dahilan at ito ang pagbabasehan ng desisyon.