Opisyal na ang tambalang Roxas-Robredo sa 2016 elections.
Ito ay matapos makapaghain na ng kanilang certificate of candidacy sa Commission on Elections (Comelec) sina Liberal Party Presidential Bet Mar Roxas at Vice Presidential Bet Leni Robredo.
Matapos magsimba sa Manila Cathedral, kumain muna ng lugaw at puto sa Plaza Roma sa Intramuros Maynila ang dalawa, kasama si Pangulong Benigno Aquino III.
Inihatid din ni PNoy ang dalawang pambato ng LP hanggang sa main entrance ng Comelec para sa paghahain nila ng COC.
Suportado din ang dalawa ng presidential sisters na sina Ballsy Aquino-Cruz at Pinky Aquino-Abellada na dumating din sa Intramuros Maynila.
Sa loob ng Comelec, sinamahan si Robredo ng kaniyang tatlong anak na babae, habang kasama naman ni Roxas ang kaniyang ina, at ang kaniyang asawang si Korina Sanchez.
Sa pagharap sa media, kapwa hiniling ni Roxas at Robredo ang suporta ng publiko sa sa kanilang laban na anila ay hindi nila personal na laban o hindi laban ng partido, kundi laban ng lahat ng pamilyang Pilipino. “Ang ipinaglalaban po namin ni Leni ay para sa pangarap ng lahat ng pamilyang Pilipino, kami po ni Leni ay nagtitiwala na ang ating mga kababayan ay pipili ng tama sa 2016,” ayon kay Roxas.
Nangako naman si Robredo na ipagpapatuloy nila ni Roxas ang lahat ng ‘makabuluhang pagbabago’ na nagawa sa ilalim ng Aquino administration.