CORRUPTION SA PALIGID NI DUTERTE sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo

Inquirer file photo

Dalawa pang Cabinet members ang sisibakin daw ng Pangulo. Kamakailan, tinanggal niya si DOT secretary Wanda Tulfo Teo at nagkataong nag-resign naman ang isang PCOO Usec Noel Puyat.

Ngayon, matindi ang hulaan kung sino ang dalawang susunod. Nitong Miyerkules sa pagbisita sa Malakanyang ni Papua New Guinea PM Peter O’Neill, hindi kinamayan ni Duterte ang isang cabinet member na dati’y malapit sa kanya. Meron ding report na binulyawan ng pangulo si cabinet member kung alam ba nito ang nangyayari sa kanyang opisina. Kaya’t walang ginawa ito ngayon kundi dumikit sa  mga “close-in” ni presidente para di masibak.

Nauna nang sinibak sina DILG sec. Ismael Sueno (firetrucks deal), DICT sec. Ramon Salalima (Facebook undersea cable proposal), Justice Sec. Vitaliano Aguirre (dismissal ng drug charges nina Peter Lim at Kerwin Espinosa), Tourism Sec. Wanda Tulfo-Teo (P60M DOT Bitag sponsorship deal-P80M Buhay Carinderia). Na-bypass naman ng Commission on Appointments sina DFA Sec. Perfecto Yasay (US passport holder), DENR Sec Gina Lopez (kontra mining), DSWD Sec. Judy Taguiwalo (kontra pork barrel) at DAR sec. Rafael Mariano (anti-landlord) samantalang inilipat si Presl spokesperson Ernesto Abella bilang DFA usec.

Nasibak din si Ret. Gen. Dionisio Santiago, chair ng Dangerous Drugs board (sobrang foreign trips at kontra sa Nueva Ecija drug rehab.  Maging ang buong Presidential Commission on Urban Poor, si chair Terry Ridon (sobrang biyahe) at apat na commissioners. Sumunod ang malapit na kaibigan at campaign spokesperson ni Duterte na si Peter Tiu Laviña, Administator ng National Irrigation Authority (nanghihingi raw ng 40% kickback sa mga kontrata).

Marami pang sinibak ang pangulo at ang pinakahuli ay ang direktiba kay Toursim sec. Berna Romulo Puyat na bahala na siya sa revamp ng kanyang tanggapan. Dahil dito, iniutos niya ang “courtesy resignations” ng apat na undersecretaries, limang assistant secretaries. At lima na rito ang nag-comply.

Kung susuriin, talagang maraming dapat ipaliwanag ang DOT partikular sa tinatawag nilang “financial sponsorships”. Isipin niyo, P80M ang ibinayad sa socialite na si Linda Legaspi ng Marylindbert group kahit hindi pa nag-sisimula.  Sa Expose ni columnist Boo Chanco Marso 20 ang notarized contract, at magbabayad ng apat na hulog na P12M, P28M, P32M at P8M.  Pero mas bumilis ang bayaran, P13.44M (March 19), P31.36M (March 20) at P35.84M (April 17).

At sa loob lamang ng isang buwan, P80M ang ginastos ng DOT-TPB bilang “financial sponsorship” sa dating “Carinderia fiesta” na ni-relaunch noong April 11, 2017 bilang “BUHAY CARINDERIA REDEFINED”.   Talagang maraming kwestyon.

Nasilip ko rin ang iba pang “financial sponsorships” ng DOT-TPB sa taong 2016 at 2017. Napakaraming nakinabang dito, Samahang basketbolista (SBP)-P3M, PHILTOA P2.5M, Phil Taekwondo P5M, at napakarami pang tig P4.2M, P3M at iba pa. Kahit ang National assn of travel agencies ni Dot Sec. Wanda teo ay nakakuha rin ng halos P2M. (conflict of interest?)

Nararamdaman ko ang sakit ng ulo ni Duterte sa nagaganap na “corruption” sa kanya mismong Gabinete. Sila pa naman ang malakas ang sigaw noong kampanya na wakasan na ang katiwalian. Tapos nang mapwesto ay yun din pala ang gagawin. Nakakahiya!

Read more...