Ayon kay Cardinal Tagle, kasalukuyang nahaharap sa ‘crisis of truth’ ang Pilipinas na nagresulta sa paghihinala, pagkawala ng tiwala at pagkawatak-watak.
Iginiit ng arsobispo na isa sa mga unang apektado ng pangyayaring ito ay ang ‘common good’ o kabutihang panlahat.
Anya, maging ang mga bihasa sa Konstitusyon ay nagkakaroon ng magkakasalungat na interpretasyon sa mga simpleng katanungan tungkol sa batas.
Dahil dito, idineklara ng pinuno ng Archdiocese of Manila ang May 20 hanggang May 31 bilang mga araw ng panalangin, pag-aayuno at paggawa ng aksyon para sa katotohanan at kabutihang panlahat.
Sa loob ng panahong ito ay hinimok ni Tagle ang mga parokya, kumbento at paaralan na magorganisa ng mga aktibidad para sa anya’y ‘feasts of truth and love’ upang itgaguyod ang common good at maibalik ang tiwala at kapatawaran.
Maaari umanong mag-organisa ng mga study session tungkol sa Saligang Batas, Charter Change, Federalismo at iba pang paksa sa tulong ng mga abogado, law students at law professors na iimbitahan ng arkidiyosesis.
Ipinag-utos ni Tagle ang pagpapatunog ng kampana tuwing alas-tres ng hapon bilang paggunita sa kamatayan ni Hesus at pagdarasal sa Chaplet of Divine Mercy.
Umapela ang cardinal na sabayan ang panalangin ng fasting dahil sa pamamagitan anya nito ay maibabalik ang focus mula sa sarili at sa mga grupo patungo sa mga komunidad.