Mistulang midwives ang dalawang babaeng pulis matapos tulungan sa panganganak ang isang 42-anyos na ina sa Guipos, Zamboanga del Sur.
Kinilala ang mga pulis na sina SPO1 Maridel Balis at PO3 Rosel Maglente na anim na buwan ding buntis ngunit hindi nag-atubiling tulungan ang nanay na kinilalang si Jocelyn Cordero.
Miyembro ang dalawang pulis ng grupo na nagpapatrolya at pabalik na sana ng Guipos town hall ng mamataan si Cordero na nagle-labor na.
Hindi na umabot pa sa Municipal Rural Health Unit si Cordero at nagsimula nang ilabas ang kanyang anak na agad na nirespondehan nina Balis at Maglente.
Pinahiga ng mga pulis si Cordero sa palitada dahil hindi na ito makagalaw at nagsimula nang lumabas ang sanggol sa sinapupunan nito.
Ayon kay Maglente, hindi na kinaya pang panatilihin ni Cordero sa kanyang sinapupunan ang sanggol gayunman anya ay matagumpay naman nitong isinilang ng buhay ang bata.
Tinakbo pa ni Maglente ang police station para kumuha ng extra shirt na kanyang ginamit upang ipambalot sa bata.
Ito na ang ikawalong anak ni Cordero.
Sa panayam ng Inquirer, puno ng pasasalamat si Cordero sa dalawang babaeng police officers at sinabing hindi niya alam ang mangyayari sa kanya kung hindi dumating ang dalawa.