Suporta ng publiko para sa resolusyon kontra SC hiningi ng isang senador

Nagpapasaklolo si Senador Bam Aquino sa publiko para suportahan ang resolusyon sa Senado para mabalewala ang naging desisyon ng Korte Suprema na patalsikin si Maria Lourdes Sereno bilang punong mahistrado.

Giit ni Aquino, kailangang maibalik ang ‘check and balances’ sa gobyerno, maipatupad ang rule of law at kilalanin ang Konstitusyon bilang kataastaasang batas sa bansa.

Aniya, sa pagpabor ng Korte Suprema sa quo warranto petition ay binalewala ng Korte Suprema ang Saligang Batas.

Bunga nito, sabi pa ng opposition senator, ay nalagay sa peligro ang demokrasya at karapatan ng mamamayan.

Dagdag pa ni Aquino hinahamon ang Senado na manindigan para sa taumbayan at demokrasya kaya’t ang kanilang resolusyon ang maituturing na pagtanggap sa hamon.

May 14 nang pumirma ang senador sa resolusyon kabilang na ang ilang kaalyado ng administrasyong-Duterte, samantalang ang mga senador naman na tumangging pirmahan ang resolusyon ay nagsasabing dapat lang kilalanin ang hudikatura nilang pantay na bahagi ng gobyerno.

Read more...