Makabayan bloc pabor sa paghahain ng impeachment sa mga pumabor sa quo warranto

Masusing pag-aaralan ng Makabayan bloc ang plano ng Magnificent 7 na maghain ng impeachment complaint laban sa walong Korte Suprema na bumoto pabor sa quo warranto laban kay dating chief justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate, aalamin muna nila kung papaano mapapanagot ang mga mahistrado na bumoto pabor sa quo warranto petition laban kay Sereno.

Sinabi ng mambabatas na pinanghimasukan ng Korte Suprema ang mandato ng Kongreso dahil sinagasaan ng walong Justices ang kapangyarihan ng Kongreso na magpatalsik ng isang impeachable official.

Gayunman, hindi kumbinsido si Anakpawis Representative Ariel Casilao na magtatagumpay ang impeachment dahil sa mayorya ng mga kongresista ay kaalyado ng administrasyon.

Naniniwala naman sina AKO BICOL Representative Rodel Batocabe at COOP-NATCO Representative Anthony Bravo na pawang miyembro ng House Justice Committee na malabong makakuha ng 98 na boto ang oposisyon upang ma-impeach ang walong mahistrado.

Kabilang sa walong mahistrado na bumoto pabor sa quo warranto petition ng OSG ay sina Associate Justices Teresita J. Leonardo-De Castro, Diosdado M. Peralta, Lucas P. Bersamin, Francis H. Jardeleza, Samuel R. Martires, Noel G. Tijam, Andres B. Reyes Jr., at Alexander G. Gesmundo.

Read more...