Mga armas na nakumpiska sa nakalipas na eleksyon, iprinesenta sa Camp Bagong Diwa

Aabot sa mahigit 100 mga baril at iba pang nakakamamatay na armas na nakumpiska nitong nakalipas na baranggay at Sangguniang Kabataan (SK) elections ang iprinesenta ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa.

Sa kanyang kauna-unahang pagbisita sa Camp Bagong Diwa matapos mahirang na bagong hepe ng PNP, pinuri ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang liderato ni NCRPO Chief Director Camilo Cascolan sa pagkakahuli sa mga gun ban violators na posible umanong nakapanggulo noong eleksyon.

Ayon kay Albayalde, naging ‘generally peaceful’ ang eleksyon dahil na rin sa epektibong seguridad na inilatag ng mga pulis.

Sa tala ng NCRPO, 357 indibidwal ang naaresto dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code.

Kabilang sa mga baril na nakumpiksa ng NCRPO ang M16, 9mm, shotgun, caliber 45, at mga revolver.

Samantala, bukod naman sa mga baril, aabot naman sa 650 iba pang deadly weapons ang nakumpiska ng NCRPO.

Read more...