Imbestigasyon ng PACC kay Macarambon tuloy pa rin

SOURCE: Jun Macarambon

Bagamat nagbitiw na sa pwesto, tuloy pa rin ang imbestigasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kay Dating Justice Assistant Secretary Moslemen Macarambon na inaakusahang nagpadrino sa kanyang in-laws o byenan ng kanyang anak na nagpuslit ng milyun-milyong pisong halaga ng alahas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ang inihayag ni PACC Commissioner Greco Belgica na kamakailan lamang ay nagsagawa ng operasyon laban sa mga balae ni Macarambom na si Mimbalawang Bangsa-An Abullah at kanyang asawa, katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Customs (BOC).

Sinabi rin ni Belgica na inaasahan nilang magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Ombudsman para naman sa maaaring kriminal na pananagutan ni Macarambon.

Si Abudallah ay tinulungan umano ni Macarambon noong December 2017 matapos mahuli sa NAIA na may bitbit pa lang mahigit P15 million halaga ng alahas, pero sa halip na pagbayarin ng P6.9 million na buwis ay naibaba ito sa P1.3 million nang pumagitna si Macarambon.

Muling nahuli noong May 5, 2018 ang mag-asawang Abdullah sa NAIA, kasama si Customs Flight Supervisor Lomodot Macabando, dahil sa pagpuslit ng halos dalawang kilo ng alahas na nagkakahalaga ng anim na milyong piso kasama na ang bayarin sa buwis. At bagamat huli sa akto ang pagpuslit sa alahas, pinakawalan pa rin ng piskalya sa Pasay City ang mga hinihinalang smuggler dahil sa kakapusan umano ng ebidensya.

Bukod kay Macarambon, sinabi ni Belgica na inirekumenda rin nila na mapatawan ng preventive suspension ang tatlong piskal, isang dating district collector, isang abugado mula sa Custom’s legal division at isang flight supervisor.

Nais din nilang pagpalawinagin ang dalawang opisyal mula sa Customs Intelligence and Investigstion Service (CIIS), isa pang district collector at isang abugado mula sa NAIA kung bakit hindi sila dapat madawit sa kontrobersiya.

Read more...