Ombudsman Morales, binatikos dahil sa timing ng kaso sa mag-amang Binay

 

Mula sa inquirer.net

Tila pinaghandaan ng Office of the Ombudsman kung kailan ilalabas ang resolusyon hinggil sa kaso ng mag-amang Vice President Jejomar Binay at dismissed Makati Mayor Junjun Binay.

Ito ang pananaw ni dating Integrated Bar of the Philippines President Vicente Joyas sa aksyon ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sa kaso ng nakababatang Binay dahil parang itinaon talagang ilabas ang desisyon bago ang paghahain ng certificate of candidacy.

Bukod dito, inakusahan rin ni Joyas si Morales ng selective prosecution dahil naman sa tila pagtu-tuon ng pansin ng Ombudsman sa mga Binay cases samantalang ang mga kasong naunang inihain laban sa ilang mga miyembro ng gabinete ay hindi pa rin naiimbestigahan.

Samantala, ayon naman kay Philippine Association of Law Schools President Amado Valdez, sadya man o hindi, nakadagdag ang timing ng paglalabas ng Ombudsman ng ng nasabing resolusyon sa mainit na pag-kuwestyon sa integridad ng Pangalawang Pangulo.

Kabilang sa mga tinutukoy ni Joyas ay ang dalawang kaso laban kay Budget Sec. Florencio “Butch” Abad na nakatakda nang sumailalim sa preliminary investigation dahil sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program habang sabay na nahaharap rin sa kasong may kaugnayan sa multi-bilyong pisong pork barrel fund scam.

Dawit rin sa nasabing kontrobersya sina Pangulong Benigno Aquino III at Agriculture Sec. Proceso Alcala.

Matatandaang nakahanap ng probable cause ang Ombudsman para masampahan ng kasong kriminal si VP Binay, ilang araw matapos nitong irekomenda ang tuluyang pagpapatalsik sa pwesto ng anak nitong si Junjun Binay.

Read more...