Senatorial lineup ni Poe, malapit nang ianunsyo

 

File photo

Sa susunod na linggo nakatakdang i-anunsyo ni Sen. Grace Poe ang kaniyang senatorial slate na binubuo ng mga baguhan at beteranong mga pulitiko mula sa apat na partido.

Ang apat na partidong pagmumulan ng mga tatakbong senador sa ilalim ng kaniyang binubuong kowalisyon ay ang Nationalist People’s Coalition (NPC), Makabayan, Nacionalista Party (NP) at National Unity Party (NUP).

Ayon sa source ng Inquirer, ang mga sumusunod na pangalan ang kabilang sa senatorial lineup ni Poe:

Sen. Vicente Sotto III at Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian ng NPC; Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ng Makabayan bloc; Pasig Rep. Roman Romulo ng Liberal Party; dating Sen. Juan Miguel Zubiri; Atty. Lorna Kapunan; Manila Vice Mayor Isko Moreno; aktor na si Edu Manzano; Sen. Ralph Recto at dating Sen. Panfilo Lacson ng Daang Matuwid Coalition; Sen. Sergio Osmeña III; Leyte Rep. Martin Romualdez; dating Sen. Richard Gordon; at si Amina Rasul-Bernardo na direktor ng Philippine Council on Islam and Democracy at anak ni dating Sen. Santanina Rasul.

Dagdag pa ng source, sampu sa mga ito ang halos sigurado nang pasok sa listahan at ito ay sina Sotto, Gatchalian, Colmenares, Romulo, Zubiri, Kapunan, Moreno, Manzano, Recto at Lacson.

Ito ay dahil alangan pa ang iba sa kanila tulad ni Gordon na hindi pa sigurado kung pagka-senador o pagka-presidente ang tatakbuhing posisyon.

Samantala, si Osmeña naman ay una nang nagsabing hindi susuportahan ang ka-tandem ni Poe na si Sen. Francis Escudero, habang si Romualdez ay hinihintay pa kung sino ang makakatandem ng kaniyang pinsan ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos na tatakbong bise presidente.

Dahil sa pagiging independent candidate ni Poe, mas naging maluwag para sa kaniya ang pagbuo ng kaniyang senatorial ticket.

Ngayong araw inaasahang maghahain ng certificate of candidacy sa tanggapan ng Commission on Election (Comelec) sina Poe at Escudero.

Read more...