Arestado ang dalawang babae matapos magkasa ng drug buy bust operation ang pinagsanib na pwersa ng Regional Drug Enforcement Unit ng CALABARZON Regional Police at Station Drug Enforcement Team ng Cainta Police Station sa Barangay San Isidro sa Cainta, Rizal.
Nakilala ang mga suspek na sina Laika Camille San Pedro at Cecia Bayon.
Nakumpiska mula sa dalawa ang P2.75 milyong halaga ng mga iligal na droga. Kabilang dito ang isang malaking plastic sachet ng 250 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.25 milyon at isang kilo ng imported na marijuana na nagkakahalaga naman ng P1.5 milyon.
Ayon kay CALABARZON Police Chief, Chief Superintendent Guillermo Eleazar, galing sa Amerika ang mga iligal na droga at ipinadala sa bansa sa pamamagitan ng courier service.
Aniya pa, napag-alaman na kasal ang mga suspek sa mga drug inmate ng Metro Manila District Jail sa Bicutan, Taguig City na sila umanong mastermind sa pagbebenta ng droga.
Dagdag pa ni Eleazar, mabuti na si dating Philippine National Police (PNP) chief Ronald dela Rosa ang kasalukuyang namumuno sa Bureau of Corrections (BuCor) dahil matitiyak nito na mabubuwag na ang sindikato ng iligal na droga na pagtuloy na nag-ooperate sa loob ng mga piitan.
Samantala, mariing itinanggi ng mga suspek na sa kanilang ang mga droga. Anila, hindi nila alam na shabu at marijuana pala ang ipinapadeliver sa kanila.
Mahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.