Posibilidad ng pagsasagawa ng Barangay at SK polls sa Marawi City, pinag-iisipan na ng Comelec

Pinag-iisipan na ng Commission on Elections (Comelec) ang posibilidad ng pagsasagawa ng Barangay at Sannguniang Kabataan elections sa lungsod ng Marawi.

Ito ay kasunod ng katatapos lamang na halalan sa buong bansa maliban sa lungsod na biktima ng panggugulo ng ISIS-inspired Maute Terror Group.

Ayon kay Comelec Commissioner Luie Guia, may ilang mga rason kung bakit hindi nagsagawa ng eleksyon sa Marawi City.

Gayunman ay magsasagawa umano ng ‘assessment’ na tatagal ng tatlong buwan upang tingnan kung maaaring magdaos ng halalan sa siyudad.

Sakali anyang wala na ang mga dahilan upang ipagpaliban ang eleksyon ay agad na iiiskedyul ito sa lalong madaling panahon.

Samantala, sinabi naman ni Comelec acting chairman Al Parreño na ang isasagawang assessment sa Marawi ay tulad sa ginawa ng commissioners sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao kung saan naganap ang mga pagdinig at konsultasyon.

Matatandaang nasa ilalim ng Martial Law ang Mindanao at inilabas ng Comelec noong Enero ang Resolution No. 18-0085 na nagapruba sa pagsasagawa ng eleksyon sa rehiyon maliban sa Marawi City na kasalukuyang isinasailalim sa rehabilitasyon.

Read more...