Panahon na para amyendahan ang ilang probisyon ng Omnibus Election Code.
Ito ang iginiit ni Comelec Chairman Andres Bautista sa harap na rin ng babalangkasing panuntunan ng Comelec En Banc kaugnay ng mga gawain na ipagbabawal o bago magsimula ang election period sa January 10 at bago magsimula ang panahon ng pangangampanya sa February 9.
Partikular na pinuna ni Bautista ang campaign period na nakasaad sa Omnibus Election Code na itinakda siyamnapung araw bago ang mismong araw ng eleksyon.
Para kay Bautista, hindi na akma ang nasabing probisyon sa kasalukuyang Automated Elections System.
Pero kahit hindi pa man nagsisimula ang pangangampanya, nag-umpisa na ang unofficial campaign period. Gayunman, ang problema, ayon sa desisyon ng Korte Suprema, “non existent” na maituturing ang premature campaigning kung ang pagbabatayan ay ang ating kasalukuyang batas sa eleksyon.
Ibig sabihin, kahit gawin ang pagpapakilala sa kandidato o paghimok sa publiko na iboto ang isang kandidato bago pa man ang simula ng campaign period ay hindi ito maituturing na maagang pangangampanya.
Kaya para mabigyang-linaw ang kahulugan ng campaign period ay nararapat lamang na amyendahan na ang batas sa eleksyon.