Posibleng maharap sa $862Million damages ang Apple makaraang katigan ng Jury ang kasong isinampa ng University of Wisconsin-Madison.
Nag-ugat ang nasabing kaso sa reklamong isinampa ng Wisconsin Alumni Research Foundation (WARF) noong January 2014 dahil sa hindi otorisadong pag-gamit ng Apple ng makabagong technology na nakapaloob sa A7, A8, at A8X processors na makikita sa mga Apple products tulad ng iPhone 5s, 6, 6Plus at Ipad.
Sinabi ng Jury na noong 1998 ay patented na sa WARF ang nasabing uri ng teknolohiya na ginamit kamakailan lamang ng Apple sa kanilang mga produkto.
Nauna dito ay humirit na rin ang Apple ng review sa U.S Patent and Trademark Office kaugnay sa nasabing reklamo laban sa kanila.
Kapag napatunayang guilty ang Apple, sinabi ni U.S District Judge William Conley na posibleng lumobo pa sa $862Million ang magiging pananagutan ng kumpanyang itinayo ni Steve Jobs.
Kaugnay nito, dadaan sa three phases of trials ang reklamo, kabilang dito ang pag-aaral sa liabilities ng Apple, susundan ng pag-kwenta sa damages at ang aktuwal na patent liabilities ng kumpanya.
Bagaman may nakabinbing kaso noong 2014, ipinag-patuloy pa rin ng Apple ang pag-gamit sa nasabing uri ng technology na kanilang ginamit sa bagong labas na A9 at A9X para sa mga brandnew units ng iPhone 6S, 6S Plus at iPad pro.