Pagiging drug lord ni Kerwin Espinosa walang ebidensya

Iginiit ni Kerwin Espinosa na walang ebidensya ang gobyerno na isa siyang drug lord.

Ayon kay Espinosa, hindi sapat ang kanyang pag-amin kaya anumang pahayag niya sa imbestigasyon ng Senado ay hindi magpapatunay na isa siyang drug lord.

Sa kanyang counter-affidavit na isinumite sa panel of prosecutors sa Department of Justice (DOJ), sinabi ni Espinosa na dahil walang aktuwal na droga bilang ebidensya, hindi sapat ang kanyang pag-amin para malitis siya sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Matatandaan na sa imbestigasyon ng Senado ay inamin ni Espinosa na sangkot siya sa kalakaran ng drugs at nagsimula siya noong 2004 sa pagbebenta nang wala pang isang gramo ng shabu.

Pero hindi agad isinumite ng pulisya ang record ng pag-amin ni Espinosa kundi noong nakaraang buwan lang nang muling buksan ang kasong droga laban sa kanya at iba pa matapos na unang mabasura dahil sa kawalan ng ebidensya.

Ginamit pa ni Espinosa na halimbawa si Pangulong Rodrigo Duterte na inaamin at ipinagmamalaki pa sa publiko ang pagpatay nito sa mga tao pero dahil walang ebidensya ay hindi pwedeng kasuhan.

Read more...