Naghain na si dating senador at dating food security Czar Kiko Pangilinan ng kanyang certificate of candidacy para sa pagka-senador.
Kasama ni Pangilinan ang misis nitong si megastar Sharon Cuneta at mga anak na sina Miel at Miguel.
Bago mag-file ng COC ay sinabi ni Pangilinan na magpo-focus siya sa agrikultura sa kanyang pagbabalik sa senado.
Bilang dating food czar ay naniniwala si Pangilinan na mataas ang presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain dahil kulang ang suporta sa mga magsasaka. “Kung bibigyan ng suporta ang mga magsasaka ay dadami ang kanilang ani, bababa ang presyo ng mga bilihin at giginhawa ang buhay ng mamamayan,” pahayag ni Pangilinan.
Gusto rin ng dating senador na palakasin ang agrikultura para matugunan ang hanapbuhay at trabaho.
Tatakbong senador si Pangilinan sa ilalim ng Liberal Party.
Pinagkaguluhan naman ang asawa nitong si Shawie dahil maraming mga empleyado ng Comelec ang nagpakuha ng litrato sa aktres.