Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na maikukunsiderang mataas ang voter turnout sa 2019 Barangay and Sannguniang Kabataan (SK) elections kahit wala pa ang official raw data.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, kahit wala pang opisyal na bilang ay lumalabas na madami ang bumuto sa halalan.
Wala anyang naitala ang ahensya na malaking problema dahil hindi sila nagdeklara ng failure of elections sa anumang lugar.
Pinalawig lang anya ang oras ng pagboto sa ilang polling precincts na hindi agad nagbukas sa takdang oras.
Nanindigan si Jimenez na ang delay sa botohan ay hindi dahil sa paghahanda ng Comelec kundi sanhi ng ibang bagay.
Halimbawa anya ay may isang lugar na ang watchers ay walang ID kaya pinaalis ang mga ito sa lugar ng botohan habang sa ibang lugar ay late ang pagdating ng board of election officers kaya hindi agad nasimulan ang halalan.