Sinalubong ng malakas na buhos ng ulan ang mga botante sa Boracay Island.
Sa kabila nito, marami pa ring botante ang maagang nagtungo sa mga polling centers partikular na sa Barangay Manoc-Manoc.
Ang Barangay Manoc-Manoc ang pinakamalaking barangay sa isla kung ang populasyon ang pag-uusapan.
Bihira lang ang naitalang mga botante na nahirapang hanapin ang kanilang pangalan at presinto.
Inaasahan ng Commission on Elections (Comelec)-Malay na kakaunti lamang ang mga boboto para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Boracay.
Ayon kay Elma Cahilig, municipal election officer ng Malay, Aklan, bunsod ito ng pagsasara ng isla. Umalis kasi ang mga residente at manggagawa nang simulan ang rehabilitasyon sa Boracay.
Sinabi ni Cahilig na papayagan naman ang mga rehistradong botante na nasa mainland na makaboto sa isla. Kinakailangan lamang dumaan sa assistance lanes ng Comelec at Parish Pastoral Council for Responsible Voting sa Caticlan jetty port.
Doon makukuha ng mga rehistradong botante ang polling precinct number bago tumungtong sa isla.
Matapos bumoto, kinakailangang bumalik sa mainland ang mga botante.