Inalis sa pwesto ang gwardyang hindi nagpapasok sa ilang miyembro ng media sa Commonwealth Elementary School sa pagbubukas ng botohan para sa Barangay at SK elections.
Unang iginiit ng gwardya na kailangang humingi ng permit sa principal ng paaralan para makapasok ang mga miyembro ng media.
Pero nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na basta’t mayroong Comelec ID ay maaring makapasok ang mga kagawad ng media sa mga paaralan na pinagdarausan ng botohan.
Humingi naman ng paumanhin ang school principal na si Emily Pelobello dahil sa nangyari.
Ani Pelobello, wala silang utos na harangin ang media at sa halip sinabihan lamang ang mga gwardya na ipaalam sa principal’s office kapag may darating na mga mamamahayag.
Nagpasya naman si Pelobello na alisin sa pwesto ang gwadyang si Rino Agao matapos ang insidente.