Nangangamba ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), na hindi maging sapat ang kanilang mga volunteers para sa Archdiocese of Cagayan de Oro para sa magaganap na Baranggay at Sangguniang Kabataan elections ngayong araw.
Ayon sa PPCRV Coordinator mula sa arkidiyosesis na si Bobby Villaluz, bukod sa hindi sapat na panahon para sa recruitment ng volunteers ay maraming miyembro ang kinailangang ihiwalay ang sarili sa grupo dahil sa pagtakbo sa posisyong pambaranggay o hindi kaya ay ikampanya ang kanilang mga kaibigan o kamag-anak.
Sakop ng Cagayan de Oro Archdiocese hindi lamang ang lalawigan ng CDO, kundi pati ang Misamis Oriental at Camiguin na binubuo ng 65 parokya kung saan 32 pa lang ay mula na sa Cagayan de Oro City.
Dahil dito, nakipag-ugnayan na ang PPCRV sa mga radio groups na magsisilbing monitoring teams lalo na sa mga lugar na walang volunteers.
Nag-isyu ang PPCRV ng group ID card at personal na ID para sa mga radio groups.
Ayon kay Villaluz, umaasa ang PPCRV na mapanibago ang tradisyon tuwing eleksyon sa bansa sa pamamagitan ng pagtataguyod sa mala-Kristiyanong pag-uugali bago, sa kasagsagan at maging pagkatapos mismo ng halalan.
Iginiit ni Villaluz na dapat ay maging mapagpatawad ang mga kandidato sa kanilang mga kalaban sa eleksyon at dapat ay makabuo ito ng magandang relasyon sa iba.
Anya, isang araw lamang ang eleksyon ngunit ang pagkakaibigan ay panghabambuhay.