Pormal nang naghain ng kaniyang kandidatura sa pagka-senador si dating MMDA Chairman Francis Tolentino.
Ayon kay Tolentino, bilang front liner sa problema sa Metro Manila, nakita niya ang lahat ng suliranin sa urbanization at lahat ng ito ay nais niyang matugunan.
Isa sa nakikitang solusyon ni Tolentino ay ang itaas ang Internal Revenue Allotment (IRA) para sa mga lokal na pamahalaan.
Nangako din si Tolentino na isusulong ang pagkakaroon ng health cards ng mga estudyante mula grade school hanggang college upang mas maging madali para sa kanila ang access sa serbisyong pangkalusugan.
Nakukulangan din si Tolentino sa disaster preparedness at rehabilitation ng pamahalaan kaya isa ito sa kaniyang masusuing tututukan.
Ipinagmalaki pa ni Tolentino na ang hawak niyang doctorate degree ay international environmental law kaya tiwala siyang matutugunan ang mga problema sa kalikasan.
Samantala, nang tanungin tungkol sa kinasangkutang kontrobersiya sa event ng Liberal Party sa Laguna, sinabi ni Tolentino na tapos na ang nasabing usapin dahil humingi na sya ng paumanhin.
Aniya, nagpaalis pa nga siya sa line-up ng LP matapos ang kontrobersiya sangkot ang grupong playgirls.
Si Tolentino ay tatakbong independent candidate.