Mahigit 80 undocumented OFWs mula Kuwait, nakauwi na ng bansa

Nakauwi na ng bansa ang 87 undocumented Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Kuwait Sabado ng gabi.

Ito ay isang araw matapos ang naganap na paglagda sa kasunduang layong bigyang proteksyon ang Pinow workers sa nasabing Arab State.

Mula sa shelters ng Philippine Embassy sa Kuwait ay nakabalik na ang mga ito ng Pilipinas kasama mismo sina Presidential Spokesperson Harry Roque, Labor Secretary Silvestre Bello III, dating Labor Secretary Marianito Roque, Labor Attaché Rustico dela Fuente, at deputy chief of mission in Kuwait Mohd Noordin Lomondot.

Sa press briefing sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sinabi ni Roque na ito pa lamang ang unang batch ng higit 500 pang Pinoy Workers na nakatakdang bumalik sa Maynila.

Nauna nang sinabi ng kalihim sa hiwalay na panayam na sagot ng Kuwaiti government ang pamasahe ng undocumented OFWS.

Samantala, nakatanggap ng tig-P5,000 ang bawat OFW mula sa Department of Foreign Affairs at karagdagang P5,000 mula naman sa Department of Labor and Employment.

Handa namang magbigay ng P20,000 na cash assistance ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga gustong magsimula ng negosyo.

Nakatakda nang magrekomenda ng partial lifting ng deployment ban sa Kuwait si Sec. Bello kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Read more...