Napatay sa huling araw ng kampanya para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections si dating La Union Rep. Eufranio Eriguel at ang dalawang iba pa matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek.
Ayon kay La Union Provincial Police Office Chief Sr. Supt. Genaro Sapiera, nagtatalumpati lamang ang dating kongresista sa isang pagpupulong sa Barangay Capas sa bayan ng Agoo ng paulanan ito ng bala pasado alas-7 ng gabi.
Ayon kay Sapiera, sa unang mga putok pa lamang ng mga baril ay agad na nagsitakbuhan ang mga tao para iligtas ang kanilang mga sarili.
Ginamit ng mga suspek ang komosyon upang makatakas.
Ayon sa source, natamaan ng bala si Eriguel sa ulo at puso.
Samantala, ang dalawang iba pang nasawi ay ang bodyguards ng dating kongresista.
Walong iba pa ang naiulat na nasaktan sa insidente.
Ang dating kongresista na ‘doctor by profession’ ay ang asawa ni incumbent La Union Rep. Sandra Eriguel.
Nasa pulong din ang maybahay at siyang mismong nagreport sa pulisya hinggil sa insidente.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga pulis ang krimen at inaalam ang motibo sa pamamaril.