QC Assistant City Prosecutor na tinambangan kaninang hapon, namatay na

Binawian na ng buhay si Quezon City Assistant City Prosecutor Rogelio Velasco na inambush kaninang bago mag alas singko ng hapon sa Holy Spirit Drive, Don Antonio Heights, Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Bandang 6:07 pm nang ideklara ito ni Dr. Janina Faye Chavez ng East Avenue Medical Center kung saan isinugod ito.

Kinumpirma naman ito ni QCPD District Director CSupt. Joselito Esquivel.

Sa windshield lamang ang tama ng sasakyan ni Velasco pero labing lima naman ang tama ng bala ng baril dito.

Ang sasakyan ni Velasco ay kulay pulang Toyota Innova na may plakang ZNV 449.

Nabatid na kasama ni Velasco ang anak nitong babae na si Vanessa nang tambangan ang sasakyan sa gitna nitong Holy Spirit Drive na isang busy street.

Si Vanessa ay himalang walang tinamong sugat.

Naplakahan naman ng mga bystander ang sasakyang puting innova ng mga hindi pa kilalang suspek, ito ay NXR 256.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad para tukuyin ang motibo ng krimen at sino ang nasa likod nito.

Read more...