Viral ngayong sa internet ang video post ng founder at CEO ng Facebook na si Mark Zuckerberg na ipinapakita ang isang Pilipina na natulungan na makapag-aral sa pamamagitan ng app na internet.org.
Tampok sa naturang video ang 24-anyos na si Riza Mae Tachado, o Mai-Mai residente sa isla ng Mararison, bayan ng Culasi sa Antique.
Makikita sa video ang kuwento ni Mai-Mai kung paano nito ginamit ang ‘app’ na internet.org upang mabuo ang kanyang thesis paper makaraang rumagasa ang bagyong Yolanda sa kanilang lugar may ilang taon na ang nakalilipas.
Sa internet.org , maaring makapag-browse ng mga popular na website ng libre tulad ng Facebook, Ask.com at Wikipedia .
Ayon kay Mai-Mai, hindi niya akalaing ipopost ni Zuckerberg ang kanyang kuwento sa mismong FB page nito.
Nang makapanayam ng Inquirer, masayang masaya si Riza o Mai-Mai at mistula siya aniyang nakapagtapos muli ng pag-aaral sa mga pangyayari.
Sa pinakahuling tala, umani na ng 3,346,603 na ‘views’, mahigit sa 146, 000 libong ‘likes’ at 26,000 shares ang kuwento ni Mai-Mai matapos itong i-post ni Zuckerberg.
Sa mensahe ni Zuckerberg, sinabi nito na hangarin niyang maging kunektado ang buong mundo upang maabot ng bawat isa ang kanilang “full potential”, tulad ni Riza.