Bumubuo na ng defense triangle ang China.
Ito ayon Kay dating National Security Adviser Roilo Golez ang intensyon ng China sa ginagawa nitong pananakop sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Ibinahagi ni Golez ang mga napag-usapan sa kaniyang pakikipagpulong sa Japan kasama ang ilang eksperto sa military at strategic defense, at aniya, lahat sila naisip na gumagawa ang Beijing ng South China Sea triangle na nagsimula noong mahawakan nito ang Paracel Islands.
Ani Golez, mula dito ay nag-expand na ang sinasabing triangle sa second point nito sa Kagitingan o Fiery Cross Reef, Zamora o Subi Reef, at Panganiban o Mishief Reef na lahat ay napapaloob sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Punto niya, lumalabas na may tatlong kilometrong runways ang tatlong naturang reefs na kayang paglagyan ng lahat ng mga eroplanong pandigma ng China.
Aniya, ang third point ng triangle ay ang Panatag o Scarborough Shoal.
Oras na makumpleto ng China ang binubuo nitong triangle, magkakaroon na ito ng unang linya ng depensa na pipigil sa anumang pwersa na makapasok sa kanilang bansa sa pamamagitan ng South China Sea, habang mahaharangan naman ng kanilang ikalawang linya ang West Pacific partikular na para mapigilan ang US 7th fleet na maaaring tumulong sa mga ka-alyado nitong bansa sa rehiyon.
Dagdag pa ni Golez, sa pamamagitan ng Scarborough, makakapaglunsad ng fighter planes at bomber ang China sa Borneo, Vietnam, Malaysia at Pilipinas, at mapigilan ang 7th fleet na makalapit sa mga ito.
Nagbuo na rin ang China ng killer missile na kayang sumira sa anumang vaunted aircraft carriers ng America.