Nadagdagan na ang mga Lumad mula sa Kitaotao, Bukidnon na lumikas at tumungo sa Haran Compound ng United Church of Christ of the Philippines (UCCP) para doon pansamantalang manirahan.
Ayon kay Ellen Manlibaas, chairman ng Kahugpongan sa Mag-uuma sa Kitaotao (KMK) o United Peasants of Kitaotao, lumikas ang mga Pulangihan Manobos matapos arestuhin ng mga tropa ng 6th at 23rd Infantry Battalion ang 13 pinuno ng mga magsasaka dahil sa paghihinalang ang mga ito ay miyembro ng komunistang New People’s Army (NPA).
Tinatayang nasa 165 na Pulangihan Manobo mula sa Barangay White Culaman sa Kitaotao ang dumating sa UCC Haran Compound kung saan may 668 nang mga lumad mula rin sa Bukidnon at Davao del Norte ang pansamantalang naninirahan.
Karamihan sa mga inaresto ay mga pinuno ng KMK at Nagkahiusang Mag-uuma sa Barangay White Culaman (Namabaw), kabilang na si Manlibaas.
Ani Manlibaas, nauna nang lumikas ang 165 na lumad noon pang August 25 at pumunta sa Arakan Parish, pero nang ma-dismiss na ang kaso ng 13 magsasakang inaresto, nagdesisyon ang mga ito na sumama na sa mga taga-Kitaotao na nasa Haran compound.
Tumanggi na rin aniya ang kaniyang grupo na humingi ng tulong sa gobyerno dahil sa wala namang pinatutunguhan ang kanilang pakikipag-dayalogo.
Pagkatapos pa aniya ng nasabing pag-aresto, ilegal na hinalughog ng mga sundalo ang kanilang mga tahanan at sapilitang pinasali ang mga sibilyan sa mga military auxiliaries.
Nitong October 3 lamang, sinunog aniya ng mga sundalo ang apat na kabahayan sa Brgy. White Culaman at nagbanta pang isasara ang isang paaralan sa Sitio Dao.
Ipinapakita aniya ng pagdami ng mga Lumad na lumilikas na lalong lumalala ang pag-atake sa mga lumad dahil sa pag-tanggi nilang isuko ang kanilang mga lupain sa mga malalaking kumpanya ng mga dayuhan.