Ayon kay Philippine National Polcie (PNP) Spokesperson Chief Superintendent John Bulalacao, sa tala hanggang May 6, 2018 ay nasa 7,915 barangay ang nasa kategoryang hotspots o watch list areas dahil sa insidente ng karahasan na may kinalaman sa eleksyon.
Ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang may pinakamaraming hotspots na may 1,415 barangay; sunod ang Bicol region na may 1,304; at pangatlo ang SOCKSARGEN na may 661 hotspots.
Nasa yellow, orange, o red ang klasipikasyon ng gobyerno sa hotspots.
Ang yellow hotspots ay may kasaysayan ng karahasan, may naitalang marahas na insidente ngayong election period, political rivalry, dating inilagay sa comelec control, at may presensya ng private armed groups.
Ayon kay Bulalacao, sa ganitong kategorya ay daragdagan ang mga pulis sa mga polling centers at paiigtingin ang checkpoints at patrolya.
Ang orange hotspots ay may mga factors sa ilalim ng yellow category pero may presensya rin ng ibang grupo gaya ng New People’s Army (NPA), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at Abu Sayyaf Group (ASG).
Habang ang red category ng hotspot ay may presensya ng lahat ng bagay na nasa ilalim ng yellow at orange hotspots at pwedeng maging election inspectors ang mga pulis at irerekomenda ang security escort sa mga kandidato.