Water treatment plant sa Cardona tatapusin ngayong taon; suplay ng tubig sa Rizal, kukunin na sa Laguna de Bay
Inaasahang magagamit na bago matapos ang taon ang water treatment plant ng Manila Water sa Cardona, Rizal.
Ang tubig na idadaan sa nasabing treatment facility ay magmumula sa Laguna de Bay.
Ayon kay Jeric Sevilla, tagapagsalita ng Manila Water, solusyon ito sa patuloy na pagtaas ng demand ng tubig sa mga lugar na kanilang sinersrbisyuhan.
Sa ngayon kasi, tanging sa Angat Dam nagmumula ang tubig na napupunta sa La Mesa Dam na pinagkukunan ng suplay para sa nasa 6.8 milyong residente sa east zone.
At kapag ganitong mainit ang panahon at mataas ang demand sa tubig namemeligro ang suplay mula sa La Mesa Dam.
Sinabi ni Sevilla na sasandaling matapos ang kanilang Rizal Water Supply Improvement project, ang suplay ng tubig sa lalawigan ng Rizal ay magmumula na sa Laguna de Bay na dadaan sa Cardona treatment facility.
Malaking kabawasan ito ayon kay Sevilla sa sinusuplayan ng Angat.
Sa pagtaya ng Manila Water, matatapos ang proyekto sa ikatlo o huling quarter ng kasaluyang taon.
Una nang sinabi ng Manila Water na dahil sa taas ng demand ng suplay ng tubig, nasa critical level na ang La Mesa Dam kaya nagpatupad na sila ng mahinang suplay sa Marikina City at sa San Mateo at Rodriguez sa Rizal mula gabi hanggang madaling araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.