Listahan ng mga kumpanyang sangkot sa ilegal na kontraktwalisasyon, isinasapinal na ng DOLE

Tinatapos na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang listahan ng mga kumpanyang lumalabag sa labor law kasama na ang mga sangkot pa rin sa illegal contractualization gaya ng Endo.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, isinasailalim na lamang ng Bureau of Working Conditions (BWC) sa validation ang imbentaryo o listahan at nakatakda itong isumite sa Malakanyang sa May 25.

Kasunod ito ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DOLE na tukuyin at isumite sa ang listahan ng mga kumpanya na lumalabag sa labor laws at sangkot sa labor-only contracting.

Sinabi ni Bello na bagamat kulang ang kasalukuyang bilang ng mga labor inspector nf DOLE na nasa 570 lamang, puspusan pa rin ang pag-iinspeksyon ng kagawaran sa may 900 libong establisimyento sa buong bansa.

Tinukoy naman ni BWC Director Ma. Teresita Cucueco na nakapagsumite na ng listahan ng mga pasaway na kumpanya ang mga Regional Offices ng DOLE sa Regions 4B, 6, 7, 11 at 12, habang ang nalalabing iba pa ay inaasahang makapagsusumite na sa susunod na linggo.

Karamihan umano sa mga paglabag na naitala ay ang hindi pagsunod sa minimum wage order, hindi tamang pag-compute sa mga overtime pay at isyu sa remittance ng social benefits gaya ng kontribusyon para sa Social Security System o SSS.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...