Mga empleyado ng Korte Suprema pinagsuot ng pulang damit ngayon at bukas

Isang araw bago ang pagdedesisyon ng Korte Suprema sa quo warranto case ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno, pula na ang namayagpag na kulay sa palibot ng compound ng Mataas na Hukuman sa Padre Faura sa Maynila.

Ang kulay na pula ang ginamit na simbolo ng mga opisyal at empleyado ng Hudikatura na nananawagan ng pagbibitiw ni Sereno.

Maaga pa lamang sinabitan na ng pulang ribbon na isinabit ang gate at bakod ng Korte Suprema sa Padre Faura at sa Taft Avenue.

Miyerkules ng gabi, nabatid na naglabas ng abiso ang Supreme Court Employees Association o SCEA kaugnay sa ikinasang “Red Thursday” at “Red Friday”.

Sila umano ay naninindigan at nagkakaisa para protektahan ang integridad ng Korte Suprema laban kay Sereno na tinawag nilang sinungaling.

Hindi rin umano sila natitinag sa mapangahas na pagbabalik-trabaho kahapon ni Sereno.

Ayon pa sa SCEA, ipagdarasal nila na ang magiging desisyon ng mga mahistrado ay para sa pananaig ng katotohanan at kabutihan ng Korte Suprema.

Samantala, bagamat wala namang direktang pagtukoy sa isyung kinakaharap ng Korte Suprema, makikita sa Twitter post kaninang hatinggabi ni Associate Justice Leonen ang mga katagang: “Pula ang kulay ng pagibig at ng pandirigma, pulang pula kapag nandirigma ang pagibig”.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...