Isang video ang lumitaw sa internet na nagpapakita sa isang grupo ng mga armadong kalalakihan kasama ang 3 dayuhan at Pilipina na dinukot sa Samal Island noong October 12.
Sa naturang video, na in-upload sa YouTube, makikitang nakaupo sa lupa ang apat na bihag habang napapaligiran ng walong kalalakihang hinihinalang mga grupo ng Abu Sayyaf na nakatakip ang mga mukha at armado ng mga high-powered na armas at machete.
Unang nagsalita ang nagpakilalang Canadian na si Robert Hall, na nagbigay ng mensahe sa kanyang pamilya at nananawagan na makipagtulungan ang Canadian Embassy sa gobyerno ng Pilipinas upang matigil ang pambobomba sa lugar na hindi naman nito binanggit.
Sumunod naman nagbigay ng mensahe ang Norwegian na si Kjartan Sekingstad at John Risdel na kapwa rin umapela na tulungan sila na agad na mapalaya.
Hiling din ng mga dayuhan na itigil ang operasyon at pambobomba sa lugar na kanilang kinalulugaran.
Pagkatapos magsalita ng mga dayuhan, nag-salita rin sa wikang Ingles isa sa mga armadong lalaki at inulit ang kanilang hinihingi sa gobyerno kapalit ng kalayaan ng mga bihag.
Dagdag pa nito, oras na itigil na ang mga operasyon laban sa kanila, dito lamang nila bubuksan ang negosasyon para sa kalayaan ng mga biktima.
Kadalasang humihingi ng malaking halaga ng pera ang Abu Sayyaf kapalit ng pagpapalaya nila sa kanilang mga biktimang dayuhan.
Una na ring lumabas ang mga ulat na nasa Sulu na ang grupo ng mga kidnap victims matapos dukutin sa Holiday Oceanview resport sa Samal Island, Davao del norte noong September 21.