Sa susunod na linggo ay iaanunsyo na ng Philippine National Police ang mga lugar na isasailalim sa “areas of immediate concern” kaugnay sa nalalapit na eleksyon sa 2016.
Sa panayam, sinabi ni PNP Chief Dir. Gen. Ricardo Marquez na hihintayin na lamang niyang makumpleto ang ulat ng Intelligence Group ng PNP para mapag-aralan ang mga lugar na nangangailangan ng dagdag na pwersa ng pulisya.
Ipinaliwanag din ng opisyal na nananatiling naka-alerto ang kanyang buong tropa para tiyaking magiging maayos ang buong linggo ng filing ng Certificate of Candidacy sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Isa rin sa pinag-aaralan ngayon ng PNP ay ang maagang pagpapatupad ng gun ban para mas matiyak na magiging mapayapa ang halalan.
Nauna dito ay inatasan ni Department of Interior and Local Government Sec. Mel Sarmiento ang PNP na alamin ang ugat ng pagpatay kay Tungawan Zamboanga Sibugay Mayor Randy Climaco na tinambangan ng mga armadong kalalakihan.
Habang isinasaayos ang security plan sa halalan, sinabi ng PNP Chief na isinasa-pinal na rin nila ang paghahanda para sa pagdating ng mga delegado sa gaganaping APEC summit sa susunod na buwan.