Nagkasundo na ang pamahalaan ng Pilipinas at Kuwait na lagdaan ang kasunduang layong bigyan ng proteksyon ang Overseas Filipino Workers sa naturang Arab State.
Ito ang inanunsyo mismo ng Malacañang sa pangunguna nina Presidential Spokesperson Harry Roque at Labor Secretary Silvestre Bello III sa pulong kasama ang mga opisyal mula sa Ministry of Interior, Ministry of Social Affairs at Ministry of Foreign Affairs ng Kuwait.
Sa press briefing na ibinahagi mismo sa Facebook page ni Roque, sinabi nito na lalagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) bukas, May 11.
Gayunman, sinabi ng kalihim na ang pag-aalis sa deployment ban para sa mga bagong OFWs sa Kuwait ay nakadepende sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Matatandaang kamakailan ay nagpahayag ang palasyo na aalisin ang ban sakaling malagdaan na ang kasunduan.
Sinabi pa ni Roque na napalaya na rin ang apat na Filipino drivers na inaresto ng Kuwaiti officials matapos ang kontrobersyal na rescue sa mga distressed OFWs.
Umaasa anya ang mga opisyal na babalik na sa normal ang relasyon ng dalawang bansa.
Ayon pa kay Roque, nagpahayag ang Kuwait na pinahahalagahan nito ang mga Filipino sa kanilang bansa.
Dahil dito anya ay isang Special Unit ng mga pulis ang bubuoin upang maging sumbungan ng mga Filipino na makararanas nang pang-aabuso at magiging available 24 oras.
Pumayag din umano ang Kuwait na mapauwi na ang lahat ng natitirang undocumented na Pinoy maliban na lamang sa may mga nakabinbing kaso at 150 dito ay kasama nang babalik ng Philippine Officials pabalik ng bansa.
Matatandaang naunsyami ang paglagda sa MOA sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait bunsod ng ginawang pagrescue sa OFWs.