Bagaman nagbitiw na sa pwesto bilang vice mayor ng Davao City si Paolo Duterte ay hindi pa rin siya lusot sa mga kaso.
Matapos tanungin sa update sa imbestigasyon ukol sa umano’y tagong yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte, isiniwalat ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na isinasailalim ngayon sa preliminary investigation ang nakababatang Duterte.
Ayon kay Morales, nakabinbin pa ang kaso ng umano’y tagong yaman ng first family.
Sinabi naman ng Ombudsman na nag-inhibit siya sa lahat ng kaso ng mga Duterte kaya hindi na dumaraan sa kanya ang mga papeles at kautusan kaugnay nito.
Pamangkin ni Morales si Atty. Manases Carpio, asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Batay sa listahan na inilabas ng Ombudsman na may petsang January 12, 2018, limang kaso ang nakabinbin sa pangalan ni Paolo Duterte, kabilang ang graft, forfeiture, perjury, paglabag sa code of conduct for public officials, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Matatandaang nagbitiw sa Paolo bilang vice mayor ng Davao City dahil sa “delicadeza” matapos siyang idawit sa kanya sa P6.4 bilyong shabu smuggling.